Kawikaan 16:1-33 ASD

[1] Nasa tao ang pagpaplano, ngunit ang Panginoon ang nagpapasya kung magaganap ito o hindi. [2] Inaakala natin na tama ang lahat ng ating ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang makakapaghusga kung ano talaga ang ating motibo. [3] Ipagkatiwala mo sa Panginoon ang lahat ng iyong gagawin, at magtatagumpay ka. [4] Ang lahat ay nilikha ng Panginoon na mayroong layunin, kahit na nga ang masasama, itinalaga sila para sa kapahamakan. [5] Kinasusuklaman ng Panginoon ang mayayabang at tiyak na silaʼy parurusahan. [6] Kung minamahal natin ang Panginoon nang may katapatan, patatawarin niya ang ating mga kasalanan. Kung may takot tayo sa kanya nang may paggalang, makalalayo tayo sa kasamaan. [7] Kapag kinalulugdan ng Panginoon ang ating pamumuhay, kahit na ang ating kaaway ay gagawin niyang ating kaibigan. [8] Mas mabuti ang kaunting halaga na pinaghirapan, kaysa sa malaking kayamanang galing sa masamang paraan. [9] Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa Panginoon ang kaganapan nito. [10] Ang haring pinapatnubayan ng Panginoon, palaging tama ang paghatol. [11] Ayaw ng Panginoon ang dayaan sa kalakalan. [12] Sa mga hari ay kasuklam-suklam ang paggawa ng kasamaan, dahil magpapatuloy lamang ang kanilang pamamahala kung sila ay makatuwiran. [13] Nalulugod ang mga hari sa mga taong hindi nagsisinungaling; minamahal nila ang mga taong nagsasabi ng katotohanan. [14] Kapag ang hari ay nagalit maaaring may masawi, kaya sinisikap ng taong marunong na malugod ang hari. [15] Hindi pinapatay ng hari ang taong sa kanya ay kalugod-lugod; pinakikitaan niya ito ng kabutihan gaya ng ulan sa panahon ng tagsibol. [16] Higit na mabuti ang magkaroon ng karunungan at pang-unawa, kaysa sa magkaroon ng pilak at ginto. [17] Ang namumuhay nang matuwid ay lumalayo sa kasamaan, at ang nag-iingat ng kanyang sarili ay nalalayo sa kapahamakan. [18] Ang kayabangan ay humahantong sa kapahamakan, at ang nagmamataas ay ibabagsak. [19] Higit na mabuti ang mamuhay nang may pagpapakumbaba kasama ang mahihirap kaysa sa mamuhay kasama ng mayayabang at makibahagi sa kanilang pinagnakawan. [20] Ang taong nakikinig kapag tinuturuan ay uunlad, at ang taong nagtitiwala sa Panginoon ay mapalad. [21] Ang marunong ay kinikilalang may pang-unawa, at kung siyaʼy magaling magsalita marami ang matututo sa kanya. [22] Kapag may karunungan ka, buhay moʼy bubuti at hahaba; ngunit kung hangal ka, parurusahan ka dahil sa iyong kahangalan. [23] Ang taong marunong ay nag-iingat sa kanyang mga sinasabi, kaya natututo ang iba sa kanya. [24] Ang matatamis na salita ay parang pulot-pukyutan, nakakapagpasaya at nakakapagpasigla ng katawan. [25] Maaaring iniisip mo na nasa tamang daan ka, ngunit ang dulo pala nito ay kamatayan. [26] Ang kagutuman ang nagtutulak sa tao na magtrabaho. [27] Ang taong masama ay nag-iisip ng kasamaan, at ang bawat sabihin niya ay parang apoy na nakakapaso. [28] Ang taong nanlilibak ng kapwa ay nagsisimula ng away, at ang matalik na magkaibigan ay kanyang pinaghihiwalay. [29] Ang taong nabubuhay sa karahasan ay nanghihikayat ng kanyang kapwa sa kasamaan. [30] Mag-ingat sa taong ngingiti-ngiti at kikindat-kindat dahil maaaring masama ang kanyang binabalak. [31] Ang katandaan ay tanda ng karangalan na matatanggap ng taong namumuhay sa katuwiran. [32] Higit na mabuti ang taong mapagpasensya kaysa sa taong makapangyarihan. Higit na mabuti ang taong nakakapagpigil sa sarili kaysa sa taong nakakasakop ng isang lungsod. [33] Nagpapalabunutan ang mga tao upang malaman kung ano ang kanilang gagawin, ngunit nasa Panginoon ang kapasyahan.

About this translation

Ang Salita ng Dios cover
Ang Salita ng Dios $5.99
Life Bible app icon
Get the Life Bible app Read offline, sync highlights and notes, and study with your library on any device.