Kawikaan 15:1-33 ASD
[1] Ang malumanay na sagot ay nakakapawi ng poot, ngunit lalong nakakapagpagalit ang pabalang na sagot. [2] Ang salita ng taong marunong ay nagpapahiwatig ng karunungan, ngunit ang salita ng hangal ay nagpapakita ng kahangalan. [3] Nakikita ng Panginoon ang lahat ng lugar. Minamasdan niya ang ginagawa ng masasama at ng mga matuwid. [4] Ang malumanay na pananalita ay nakapagpapasigla ng kalooban ng tao, ngunit ang masakit na salita ay nakakasugat ng puso. [5] Hindi pinapansin ng taong hangal ang pagtutuwid ng kanyang ama, ngunit ang taong marunong, sumusunod sa mga paalala sa kanya. [6] Dadami ang kayamanan sa tahanan ng mga matuwid, ngunit anumang pag-aari ng masasama ay mawawala. [7] Ikinakalat ng marunong ang kanyang karunungan, ngunit hindi ito magawa ng mangmang. [8] Kasuklam-suklam sa Panginoon ang handog ng masasama, ngunit kalugod-lugod sa kanya ang panalangin ng mga matuwid. [9] Kinamumuhian ng Panginoon ang taong ang gawain ay masama, ngunit ang taong nagsusumikap na gumawa ng matuwid ay minamahal niya. [10] Minamasama ng taong naliligaw ng landas kapag itinutuwid siya. Ang taong umaayaw sa mga pagtutuwid ay mamamatay. [11] Kung alam ng Panginoon ang nangyayari sa daigdig ng mga patay, lalo namang alam niya ang nasa puso ng mga buhay. [12] Ang taong nangungutya ay ayaw ng sinasaway; ayaw ding tumanggap ng payo mula sa taong may karunungan. [13] Kapag ang tao ay masaya, nakangiti siya, ngunit kapag ang tao ay malungkot, mukha niya ay nakasimangot. [14] Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang taong hangal ay naghahangad pa ng kahangalan. [15] Ang buhay ng mga dukha ay palaging mahirap, ngunit kung makokontento lang sila ay palagi silang magiging masaya. [16] Mas mabuti pang maging mahirap na may takot sa Panginoon, kaysa maging mayaman na ang buhay ay puno ng kaguluhan. [17] Mas mabuti pa ang mag-ulam ng kahit gulay lang pero may pagmamahalan, kaysa sa mag-ulam ng karne pero may alitan. [18] Ang taong mainitin ang ulo ay nagpapasimula ng gulo, ngunit ang taong mahinahon ay tagapamayapa ng gulo. [19] Kung ikaw ay tamad, buhay mo ay maghihirap, ngunit kung ikaw ay masipag, buhay mo ay uunlad. [20] Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay hinahamak ang magulang. [21] Ang taong walang pang-unawa ay nagagalak sa kamangmangan, ngunit ang may pang-unawa ay namumuhay nang matuwid. [22] Mabibigo ka kapag hindi ka humihingi ng payo tungkol sa iyong mga pinaplano, ngunit kapag marami kang tagapayo magtatagumpay ang mga plano mo. [23] Nagagalak ang tao kapag akma ang sagot niya. Mas nagagalak siya kung nakakasagot siya sa tamang pagkakataon. [24] Ang taong marunong ay daan patungo sa buhay ang sinusundan at iniiwasan niya ang daan patungo sa kamatayan. [25] Wawasakin ng Panginoon ang bahay ng hambog, ngunit iingatan niya ang lupain ng biyuda. [26] Kinasusuklaman ng Panginoon ang iniisip ng masasamang tao, ngunit nagagalak siya sa iniisip ng mga taong may malinis na puso. [27] Ang taong yumaman sa masamang paraan ay nagdudulot ng kaguluhan sa kanyang sambahayan. Mabubuhay naman nang matagal ang taong hindi nasusuhulan. [28] Ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna ang sasabihin, ngunit ang taong masama ay basta na lamang nagsasalita. [29] Malayo ang Panginoon sa masasama, ngunit malapit siya sa mga matuwid at pinapakinggan niya ang kanilang dalangin. [30] Ang masayang mukha ay nagbibigay ng tuwa at nagpapasigla ang magandang balita. [31] Ang taong nakikinig sa mga turo ng buhay ay maibibilang sa mga marurunong. [32] Pinapasama ng tao ang kanyang sarili kapag binabalewala niya ang pagtutuwid sa kanyang pag-uugali, ngunit kung makikinig siya, lalago ang kanyang kaalaman. [33] Ang takot sa Panginoon ay nagtuturo ng karunungan, at ang nagpapakumbaba ay pinaparangalan.
