Kawikaan 17:1-28 ASD
[1] Ang kaunting pagkain na pinagsasaluhan nang may kapayapaan ay higit na mabuti kaysa sa maraming pagkain ngunit may alitan. [2] Pamumunuan ng marunong na lingkod ang nakakahiyang anak ng kanyang amo at sa kanilang mamanahin makakabahagi pa ito. [3] Sinusubok ng Panginoon ang puso ng tao katulad ng pilak at ginto na sinusubok sa apoy kung ito ay tunay o hindi. [4] Ang taong masama ay gustong makinig sa kapwa niya masama, at ang taong sinungaling ay gustong makinig sa kapwa niya sinungaling. [5] Ang kumukutya sa mahihirap ay inaalipusta ang kanyang Manlilikha. Ang taong nagagalak sa kapahamakan ng iba ay parurusahan. [6] Karangalan ng mga loloʼt lola ang kanilang mga apo, gayon din naman, karangalan ng mga anak ang kanilang mga magulang. [7] Hindi bagay sa hangal ang magsalita ng mabuti, at lalong hindi bagay sa isang namumuno ang magsinungaling. [8] Sa tingin ng iba ang suhol ay parang salamangka na magagawa ang kahit anumang bagay. [9] Kung patatawarin mo ang kasalanan ng iyong kaibigan, mananatili ang inyong samahan, ngunit kung patuloy mong uungkatin ang kanyang kasalanan, masisira ang inyong pagkakaibigan. [10] Sa isang saway lang natututo ang taong may pang-unawa, ngunit ang taong mangmang ay hindi natututo hampasin mo man ng walang awa. [11] Laging naghahanap ng gulo ang taong masama, kaya ipapadala laban sa kanya ang isang taong malupit na magpaparusa sa kanya. [12] Mas mabuti pang masalubong mo ang isang osong inagawan ng anak kaysa sa hangal na gumagawa ng kahangalan. [13] Kapag kasamaan ang iginanti mo sa kabutihang ginawa sa iyo, palaging may masamang mangyayari sa sambahayan mo. [14] Ang simula ng away ay katulad ng butas sa isang dike, kailangang tapalan bago lumaki. [15] Kasuklam-suklam sa Panginoon ang taong nagpaparusa sa taong walang kasalanan o nagpapalaya sa taong may kasalanan. [16] Walang kabuluhang pag-aralin ang taong hangal sapagkat hindi naman niya hinahangad ang matuto. [17] Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at nagkaroon tayo ng kapatid upang sa kagipitan ay tumulong. [18] Ang taong nangakong managot sa utang ng iba ay kulang sa karunungan. [19] Ang taong gusto ng kasalanan ay gusto rin ng kaguluhan. At ang taong mayabang ay naghahanap ng kapahamakan. [20] Hindi uunlad ang taong baluktot ang pag-iisip, at ang taong sinungaling ay dadanas ng kasawian. [21] Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kalungkutan at kabiguan sa magulang. [22] Ang pagiging masayahin ay parang gamot na nakabubuti sa katawan, ngunit ang pagiging malungkutin ay nagpapahina ng katawan. [23] Ang taong masama ay tumatanggap ng suhol upang ipagkait ang makatarungang hatol. [24] Ang taong may pang-unawa ay naghahangad pa ng karunungan; ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala. [25] Ang anak na hangal ay nagdudulot ng kapaitan at kalungkutan sa kanyang mga magulang. [26] Hindi mabuti na parusahan ang taong matuwid o ang taong marangal. [27] Ang taong marunong at nakakaunawa ay maingat magsalita at hindi padalos-dalos. [28] Kahit ang mangmang ay parang marunong at nakakaunawa kapag tahimik.
