[1] Pagkatapos, sumagot si Bildad na taga-Shua, [2] “Job, hanggang kailan ka ba magsasalita ng ganyan? Ayusin mo ang sinasabi mo at saka kami makikipag-usap sa iyo. [3] Ang tingin mo ba sa amin ay para kaming mga hayop na hindi nakakaunawa? [4] Sinasaktan mo lang ang sarili mo dahil sa galit mo. Ang akala mo baʼy dahil lang sa iyo, pababayaan na ng Dios ang mundo o ililipat niya ang mga bato mula sa kinaroroonan nila? [5] “Sa totoo lang, ang taong masama ay tiyak na mamamatay. Ang tulad niyaʼy ilaw na hindi na magbibigay ng liwanag. [6] Magdidilim sa kinaroroonan niya, dahil mamamatay ang ilawang malapit sa kanya. [7] Noon ay may katatagan siya pero ngayon ay bumabagsak. Ang sarili niyang plano ang siya ring sisira sa kanya. [8] Siya mismo ang lumakad papunta sa bitag at nahuli siya. [9] Hindi na maalis doon ang mga paa niya. [10] Inilagay ang bitag sa dinadaanan niya, at tinabunan ng lupa. [11] Napapaligiran siya ng mga bagay na kinatatakutan niya at para bang hinahabol siya ng mga ito saanman siya pumunta. [12] Dahil sa pagkagutom, unti-unting nababawasan ang lakas niya. At ang kapahamakan ay nakahanda para ipahamak siya. [13] Ang balat niyaʼy sinisira ng nakakamatay na sakit at nabubulok ang kanyang mga paaʼt kamay. [14] Pinaalis siya sa tahanang kanlungan niya at dinala sa harap ng nakakatakot na hari. [15] Mawawala ang tirahan ng masama dahil masusunog iyon sa nagniningas na asupre. [16] Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na natuyo ang mga ugat at mga sanga. [17] Makakalimutan siya ng lahat dito sa daigdig at wala nang makakaalala pa sa kanya. [18] Palalayasin siya mula rito sa maliwanag na daigdig patungo sa madilim na lugar ng mga patay. [19] Wala siyang magiging anak o apo at walang matitirang buhay sa pamilya niya. [20] Ang mga tao sa saanmang lugar ay magtataka at matatakot sa mga nangyayari sa kanya. [21] Ganyan nga ang sasapitin ng taong masama na hindi kumikilala sa Dios.”