Job 19:1-29 ASD
[1] Muling sumagot si Job, [2] “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at sasaktan sa mga sinasabi ninyo? [3] Paulit-ulit ninyo akong iniinsulto. Hindi na kayo nahiya sa mga ginagawa ninyo sa akin? [4] Kung talagang nagkasala ako, problema ko na iyon. [5] Ang akala ninyoʼy matuwid kayo kaysa sa akin, at iniisip ninyong ang mga paghihirap koʼy nagpapatunay na nagkasala ako. [6] Pero ang Dios ang may gawa nito sa akin. Siya ang naglagay ng bitag sa palibot ko. [7] “Tumawag ako at humingi ng tulong pero walang sumagot sa akin. Humingi ako ng katarungan pero walang nagbigay sa akin. [8] Hinarangan ng Dios ang dinadaanan ko para hindi ako makadaan. Tinakpan din niya ito ng kadiliman. [9] Kinuha niya ang kayamanan ko pati na ang aking karangalan. [10] Pinahirapan niya ako saanman ako bumaling na halos ikamatay ko na. Inalis niya ang pag-asa ko na parang punongkahoy na binunot. [11] Labis ang galit niya sa akin at itinuring niya akong kaaway. [12] Parang pinadalhan niya ako ng mga sundalo upang salakayin at palibutan ang aking tolda. [13] “Inilayo niya sa akin ang aking mga kamag-anak; at nilayuan na ako ng aking mga kakilala. [14] Wala na ang lahat ng taong malapit sa akin. Pati mga kaibigan koʼy nilimot na ako. [15] Hindi na ako kilala ng aking mga bisita at mga babaeng alipin. Itinuring na nila akong dayuhan. [16] Kapag tinatawag ko ang aking alipin, hindi na niya ako pinapansin, makiusap man ako. [17] Ang asawa koʼy nababahuan sa hininga ko at ang mga kapatid kong lalaki ay nandidiri sa akin. [18] Hinahamak ako kahit ng mga batang paslit. Kapag nakikita nila ako, pinagtatawanan nila ako. [19] Lahat ng matalik kong kaibigan ay nasusuklam sa akin. Pati mga mahal ko sa buhay ay lumayo na rin. [20] Butoʼt balat na lang ako at halos mamamatay na. [21] “Maawa kayo sa akin, mga kaibigan ko, dahil pinahihirapan ako ng Dios. [22] Bakit ninyo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Dios sa akin? Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap ninyo sa akin? [23] Mabuti sana kung isinulat sa aklat ang mga sinabi ko, [24] o di kayaʼy iniukit ito sa bato para hindi mabura magpakailanman. [25] “Pero alam kong buhay ang aking Tagapagligtas at sa bandang huli ay darating siya rito sa lupa para ipagtanggol ako. [26] Pagkaalis ko sa katawang ito at mabulok ang mga laman ko, makikita ko na ang Dios. [27] Makikita ko siya nang harapan at hindi na siya iba sa akin. Labis na akong nananabik na makita siya. [28] “Kung patuloy ninyo akong pararatangan na akoʼy naghihirap dahil sa aking kasalanan, [29] tiyak na darating sa inyo ang nakakatakot na parusa ng Dios. Parurusahan niya kayo dahil sa galit niya. Saka ninyo malalaman na hinatulan kayo ng Dios.”
