[1] Kilalang-kilala ang Dios sa Juda, at sa Israel ay dakila siya. [2] Nakatira siya sa bundok ng Zion sa Jerusalem [3] Doon, sinira niya ang mga nagniningas na palaso ng kaaway, ang kanilang mga pananggalang, espada at iba pang kagamitang pandigma. [4] O Dios, makapangyarihan kayo at higit na dakila habang bumababa kayo sa bundok na kung saan pinatay nʼyo ang inyong mga kaaway. [5] Binawi nʼyo sa matatapang na sundalo ang kanilang mga sinamsam. Silang lahat ay namatay na; wala nang makakapagbuhat pa ng kamay sa amin. [6] O Dios ni Jacob, sa inyong sigaw, ang mga kawal at ang kanilang mga kabayo ay namatay. [7] Kaya dapat kayong katakutan. Sinong makakatagal sa inyong harapan kapag kayoʼy nagalit? [8] Mula sa langit ay humatol kayo. Ang mga tao sa mundo ay natakot at tumahimik [9] nang humatol kayo, O Dios, upang iligtas ang lahat ng inaapi sa daigdig. [10] Tiyak na ang galit nʼyo sa mga tao ay magbibigay ng karangalan sa inyo, ngunit hindi nʼyo pa lubusang ibinubuhos ang inyong galit. [11] Mangako kayo sa Panginoon na inyong Dios at tuparin ito. Lahat kayong mga bansang nasa paligid, magdala kayo ng mga regalo sa Dios na siyang karapat-dapat katakutan. [12] Ibinababa niya ang mapagmataas na mga pinuno; kinatatakutan siya ng mga hari rito sa mundo.