Salmo 104:1-35 ASD
[1] Pupurihin ko ang Panginoon! Panginoon kong Dios, kayo ay dakila sa lahat. Nadadamitan kayo ng kadakilaan at karangalan. [2] Nababalutan kayo ng liwanag na parang inyong damit. At inilaladlad nʼyo na parang tolda ang langit. [3] Itinayo nʼyo ang inyong tahanan sa itaas pa ng kalawakan. Ginawa nʼyo ang mga alapaap na inyong sasakyan, at inililipad ng hangin habang kayoʼy nakasakay. [4] Ginagawa nʼyong tagapaghatid ng balita ang hangin, at ang kidlat na inyong utusan. [5] Inilagay nʼyo ang mundo sa matibay na pundasyon, kaya hindi ito matitinag magpakailanman. [6] Ang tubig ay ginawa nʼyong parang tela na ipinambalot sa mundo, at umapaw hanggang sa kabundukan. [7] Sa inyong pagsaway na parang kulog, nahawi ang tubig, [8] at itoʼy umagos sa mga kabundukan at mga kapatagan, hanggang sa mga lugar na inyong inilaan na dapat nitong kalagyan. [9] Nilagyan nʼyo ito ng hangganan, upang hindi umapaw ang tubig, para hindi na muling matabunan ang mundo. [10] Lumikha ka ng mga bukal sa mga lambak, at umagos ang tubig sa pagitan ng mga bundok. [11] Kaya lahat ng mga hayop sa gubat, pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom. [12] At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit. [13] Mula sa langit na inyong luklukan, ang bundok ay inyong pinapaulanan. At dahil sa inyong ginawa, tumatanggap ang mundo ng pagpapala. [14] Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop, at ang mga tanim ay para sa mga tao upang silaʼy may maani at makain – [15] may alak na maiinom na magpapasaya sa kanila, may langis na pampakinis ng mukha, at may tinapay na makapagpapalakas sa kanila. [16] Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy, ang puno ng sedro sa Lebanon na kayo rin ang nagtanim. [17] Doon nagpupugad ang mga ibon, at ang mga tagak ay tumatahan sa mga puno ng abeto. [18] Ang kambing-gubat ay nakatira sa matataas na kabundukan. Ang mga hayop na badyer ay naninirahan sa mababatong lugar. [19] Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon; at ang araw namaʼy lumulubog sa oras na inyong itinakda. [20] Nilikha nʼyo ang kadiliman na tinawag na gabi; at kung gabiʼy gumagala ang maraming hayop sa kagubatan. [21] Umaatungal ang mga leon habang naghahanap ng kanilang makakain na sa inyo nagmumula. [22] At pagsapit ng umaga, bumabalik sila sa kanilang mga lungga, at doon nagpapahinga. [23] Ang mga tao naman ay lumalabas papunta sa kanilang gawain, at nagtatrabaho hanggang takip-silim. [24] Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon. Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan. Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha. [25] Ang dagat ay napakalawak, at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit. [26] Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan, at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan. [27] Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin. [28] Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito, at silaʼy nabubusog. [29] Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila; at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa. [30] Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga, at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo. [31] Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman. Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha. [32] Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan. Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok. [33] Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay. Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga. [34] Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay. Akoʼy magagalak sa Panginoon. [35] Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala. Pupurihin ko ang Panginoon. Purihin ang Panginoon!
