[1] Panginoon, bakit parang kay layo nʼyo sa akin? Bakit sa panahon ng kaguluhan kayo ay nagtatago sa amin? [2] Ang dukha ay pinahihirapan ng masasama at mayayabang. Sanaʼy mangyari rin sa kanila ang kanilang masasamang plano. [3] Ipinagmamalaki nila ang kanilang masasamang kagustuhan. Pinupuri nila ang mga sakim, ngunit kinukutya ang Panginoon. [4] Dahil sa kahambugan ng mga taong masama, binabalewala nila ang Dios, at ayaw nila siyang lapitan. [5] Ang kanilang pamumuhay ay laging matagumpay, at hindi man lang sila nag-aalala na silaʼy inyong hahatulan. Hinahamak nila ang lahat ng kanilang mga kaaway. [6] Akala nilaʼy walang mangyayaring masama sa kanila at wala silang magiging problema. [7] Silaʼy lapastangan kapag nagsalita, sinungaling at mapagbanta, at sila na rin ang nagsasabi ng masasakit at masasamang salita. [8] Sa liblib na mga lugar silaʼy nagtatago, at nag-aabang sa mga inosente na kanilang papatayin. [9] Naghihintay silang nakakubli na parang leon, upang sakmalin at kaladkarin ang mahihirap. [10] Dahil malakas sila, ibinabagsak nila ang mga kawawa, hanggang sa hindi na makabangon. [11] Ang akala nilaʼy hindi sila pinapansin ng Dios at hinding-hindi niya nakikita ang kanilang mga ginagawa. [12] Sige na Panginoong Dios, parusahan nʼyo na po ang mga taong masama. Huwag nʼyong pababayaan ang mga inaapi. [13] O Dios, bakit nilalait kayo ng mga taong masama? Sinasabi pa nila, “Hindi tayo parurusahan ng Dios.” [14] Ngunit nakikita nʼyo, O Dios, ang mga taong nagdurusa at naghihirap. Lumalapit sa inyo ang mga kaawa-awa tulad ng mga ulila, at nakahanda kayong tumulong sa kanila. [15] Alisan nʼyo ng lakas ang mga taong masama, at parusahan nʼyo sila hanggang sa silaʼy tumigil na sa paggawa ng masama. [16] Panginoon, kayo ay Hari magpakailanman! At ang masasamang tao ay maglalaho sa mundo. [17] Panginoon, narinig nʼyo ang dalangin ng mga mahihirap. Pakinggan nʼyo po sila at palakasin. [18] Bigyan nʼyo ng katarungan ang mga ulila at mga api, upang wala ng mga taong mananakot ng kapwa, dahil silaʼy tao rin lang.