Job 3:1-26 ASD

[1] Kinalaunan, nagsalita si Job at isinumpa niya ang araw na isinilang siya. [2] Sinabi niya, [3] “Isinusumpa ko ang araw na akoʼy ipinanganak. [4] Naging madilim na lang sana ang araw na iyon at hindi na sinikatan ng araw. Kinalimutan na lang sana ng Dios sa langit ang araw na iyon. [5] Nanatili na lang sana itong madilim o natatakpan ng makapal na ulap, at nilukuban na lang sana ng kadiliman ang kaliwanagan. [6] Kinuha na lang sana ng kadiliman ang gabing iyon nang akoʼy isilang, at hindi na sana napabilang sa kalendaryo. [7] Hindi na nga lang sana ako ipinanganak ng gabing iyon, at wala rin sanang kasayahan noon. [8] Sumpain nawa ang gabing iyon ng mga manunumpa na alam kung paano pakilusin ang Leviatan. [9] Hindi na sana sumikat ang tala sa umaga ng araw na iyon, at hindi na sana dumating ang bukang-liwayway. [10] Isinusumpa ko ang araw na iyon dahil hindi niya pinigilan ang pagsilang sa akin, nang hindi ko na sana naranasan ang ganitong paghihirap. [11] “Mabuti pang namatay na lang ako sa sinapupunan ng aking ina. [12] Bakit pa ako kinalingaʼt pinasuso ng aking ina? [13] Kung namatay na sana ako noon, tahimik na sana ako ngayong natutulog at nagpapahinga [14] kasama ng mga hari at mga pinuno ng mundo na nagtayo ng mga palasyo na giba na ngayon. [15] Nagpapahinga na rin sana ako kasama ng mga pinuno na ang mga tahanan ay puno ng mga gintoʼt pilak. [16] Mas mabuti pang akoʼy naging katulad ng mga batang patay na nang ipinanganak at hindi na nakakita ng liwanag. [17] Doon sa lugar ng mga patay, ang masama ay hindi na gumagawa ng kasamaan at ang mga pagod ay nagpapahinga na. [18] Doon, ang mga bihag ay nagpapahinga rin at hindi na nila naririnig ang sigaw ng taong pumipilit sa kanila na magtrabaho. [19] Naroon ang lahat ng uri ng tao, tanyag man o hindi. At ang mga alipin ay malaya na sa kanilang amo. [20] “Bakit pa pinapayagang mabuhay ang taong nagtitiis at nagdurusa? [21] Nagnanais silang mamatay pero hindi pa rin sila namamatay. Hangad nila ang kamatayan ng higit pa sa isang taong naghahanap ng nakatagong kayamanan. [22] Mas sasaya sila kapag namatay na at nailibing. [23] Bakit kaya niloob pa ng Dios na mabuhay ang tao nang hindi man lamang pinapaalam ang kanyang kahahantungan? [24] Hindi ako makakain dahil sa labis na pagdaramdam at walang tigil ang aking pagdaing. [25] Ang kinatatakutan koʼy nangyari sa akin. [26] Wala akong kapayapaan at katahimikan. Wala akong kapahingahan, pawang kabagabagan ang nararanasan ko.”

About this translation

Ang Salita ng Dios cover
Ang Salita ng Dios $5.99
Life Bible app icon
Get the Life Bible app Read offline, sync highlights and notes, and study with your library on any device.