Job 28:1-28 ASD
[1] “May mga minahan kung saan matatagpuan ang pilak at may mga lugar kung saan dinadalisay ang ginto. [2] Ang bakal ay nakukuha mula sa lupa, at ang tanso ay tinutunaw mula sa mga bato. [3] Gumagamit ng ilaw ang mga tao para madaig nila ang kadiliman sa kanilang paghuhukay sa kailaliman ng lupa. [4] Humuhukay sila ng daanan sa minahan, sa dakong walang taong nakatira at dumadaan. Bumababa sila sa pamamagitan ng mga nakalaylay na lubid. [5] Sa ibabaw ng lupa tumutubo ang mga tanim kung saan nagmumula ang pagkain, pero sa ilalim ay parang dinaanan ng apoy. [6] Ang mga bato roon ay may mga safiro at ang mga alikabok ay may ginto. [7] Ang mga daan patungo roon ay hindi makita ng mga ibon, kahit ng ibong mandaragit. [8] Hindi rin ito nadaanan ng mga mababangis na hayop o ng leon. [9] Hinuhukay ng mga tao kahit na ang pinakamatigas na bato sa ilalim ng bundok. [10] Hinuhukay nila ang bundok para hanapin ang ibaʼt ibang uri ng mamahaling bato. [11] Hinahanap din nila ang mga ito sa mga ilog. [12] “Pero saan nga ba matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? [13] Hindi alam ng tao kung saan ito matatagpuan. Hindi ito matatagpuan dito sa lupa. [14] Hindi rin ito matatagpuan sa ilalim ng dagat. [15] Hindi rin ito nabibili ng purong ginto o pilak. [16] Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto o ng alin mang mamahaling bato gaya ng onix o safiro. [17] Higit pa ito sa ginto o kristal. Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas. [18] Ang halaga nitoʼy higit pa sa koral, jasper, o rubi. [19] Hindi ito mapapantayan ng mamahaling batong topaz na mula sa Etiopia at hindi rin mababayaran ng purong ginto. [20] “Kaya saan matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? [21] Walang nilalang na makakakita nito kahit na ang mga ibon. [22] Kahit na ang lugar ng kapahamakan na siyang lugar ng mga patay, sabi-sabi lang ang kanilang nalaman tungkol dito. [23] Dios lang ang nakakaalam kung saan matatagpuan ang karunungan. [24] Sapagkat nakikita niya kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo at ang lahat ng nasa ilalim ng langit. [25] Noong pinalakas niya ang hangin, at sinukat kung gaano karaming ulan ang dapat bumuhos, [26] itinakda na niya kung saan ito papatak, at kung saan tatama ang kulog at kidlat. [27] Sa ganito niya ipinakita ang karunungan at kahalagahan ng mga ito. Nasubukan na niya ito at napatunayan. [28] Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, ‘Ang pagkatakot sa Panginoon at ang paglayo sa kasamaan ay siyang karunungan at pagkaunawa.’”
