Job 21:1-34 ASD
[1] Sumagot si Job, [2] “Pakinggan ninyo akong mabuti upang mapasaya rin ninyo ako. [3] Makinig kayo habang nagsasalita ako at kapag akoʼy tapos na, tuyain ninyo ako kung gusto ninyo. [4] “Ang hinaing koʼy hindi laban sa tao kundi sa Dios. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasensya ko. [5] Tingnan ninyo ako. Sa nakita ninyo sa akin makakapagsalita pa ba kayo? [6] Kung iisipin ko ang mga nangyayari sa akin, manginginig ako sa takot. [7] “Bakit patuloy na nabubuhay ang mga masama? Tumatanda sila at nagiging maunlad. [8] Nakikita nila ang paglaki ng kanilang mga anak at apo. [9] Namumuhay sila sa kanilang tahanan na ligtas sa panganib at walang kinatatakutan. Hindi sila pinaparusahan ng Dios. [10] Walang tigil ang panganganak ng kanilang mga baka at hindi ito nakukunan. [11] Marami silang anak, parang kawan ng tupa sa dami. Nagsasayawan sila, [12] nag-aawitan, at nagkakatuwaan sa tugtog ng tamburin, alpa at plauta. [13] Namumuhay sila sa kasaganaan at payapang namamatay. [14] Pero sinasabi nila sa Dios, ‘Pabayaan mo kami! Ayaw naming malaman ang iyong mga pamamaraan. [15] Sino kang Makapangyarihan na dapat naming paglingkuran? At ano ba ang mapapala namin kung mananalangin kami sa iyo?’ [16] Pero ang totoo, ang pag-unlad nilaʼy hindi galing sa sarili nilang pagsisikap. Kaya anuman ang ipapayo ng masasamang taong ito ay hindi ko tatanggapin. [17] “Pero madalang ang taong masasama na namamatay. Bihirang dumating sa kanila ang kahirapan o parusang ipinapadala ng Dios dahil sa kanyang galit. [18] Bihira nilang maranasan ang mapalayas tulad ng ipa na tinatangay ng malakas na hangin. [19] Sinasabi ninyo na kapag hindi sila parurusahan ng Dios ang mga anak nila ang parurusahan. Pero sa ganang akin, ang nagkasala ang siyang dapat parusahan ng Dios para maranasan nila [20] at makita ang kanilang kapahamakan. Matikman sana nila ang galit ng Makapangyarihang Dios. [21] Kapag patay na sila, hindi na nila malalaman ang mga nangyayari sa kanilang sambahayan. [22] “Matuturuan ba ng tao ang Dios, na siya ngang pinakamataas na hukom? [23] May mga taong namamatay sa gitna ng kasaganaan at panatag na kalagayan, [24] at malusog na pangangatawan. [25] May mga tao ring namamatay sa kahirapan, at hindi nakaranas ng kahit kaunting kaginhawahan sa buhay. [26] Pero pareho rin silang ililibing sa lupa at kakainin ng mga uod. [27] “Alam ko kung ano ang nasa isip ninyo. Alam ko kung ano ang binabalak ninyo laban sa akin. [28] Sasabihin ninyo sa akin ang tungkol sa mga taong mayaman na nawasak ang tahanan dahil sa kanilang kasamaan. [29] Pero tanungin mo ang mga dumadaan at pakinggan ang sinasabi nila. Sapagkat sasabihin nila sa inyo na [30] palaging naliligtas ang masasamang tao sa araw ng pagpaparusa ng Dios. [31] Walang hayagang sumasaway sa taong masama. Walang gumaganti sa masama niyang ginawa. [32] At kapag namatay siya at inihatid sa kanyang huling hantungan, marami ang nakikipaglibing. Tinatanggap ng lupa ang katawan niya at binibigyan ng kapahingahan. Binabantayan pa ang kanyang libingan. [34] “Kaya paano ninyo ako maaaliw sa pamamagitan ng mga salita ninyong walang kabuluhan? Ang mga sinasabi ninyoʼy walang katotohanan!”
