Job 15:1-35 ASD
[1] Sumagot si Elifaz na taga-Teman, [2] “Job, ang taong marunong ay hindi nagsasalita ng walang kabuluhan. [3] Hindi siya nakikipagtalo sa mga salitang walang saysay. [4] Pero ang mga sinasabi moʼy magtutulak sa tao upang mawalan ng paggalang sa Dios at magiging hadlang sa paglilingkod sa kanya. [5] Ang sinasabi mo ay bunga ng iyong kasamaan. At dinadaya mo ang iba sa pamamagitan ng iyong mga sinasabi. [6] Hindi na kailangang hatulan pa kita, dahil ang iyong mga sinasabi mismo ang nagpapatunay laban sa iyo. [7] Akala mo baʼy ikaw ang unang isinilang? Ipinanganak ka na ba bago nilikha ang mga bundok? [8] Narinig mo na ba ang mga plano ng Dios? Ikaw lang ba ang marunong? [9] Ano bang alam mo na hindi namin alam? At ano ang naunawaan mo na hindi namin naunawaan? [10] Natuto kami sa matatanda na mas matanda pa kaysa sa iyong ama. [11] Sinabi namin sa iyo ang mga salitang mula sa Dios na makapagbibigay ng lakas at aliw sa iyo. Hindi pa ba sapat iyon? [12] Bakit nagpapadala ka sa iyong damdamin? Nabubulagan ka na ba sa katotohanan [13] para magalit ka sa Dios at magsalita ng masama laban sa kanya? [14] Kaya ba ng isang tao na mamuhay ng malinis at matuwid sa paningin ng Dios? [15] Ni hindi nga lubusang nagtitiwala ang Dios sa mga anghel niya. Kung ang mga nilalang niyang ito na nasa langit ay hindi lubusang malinis sa kanyang paningin, [16] ang tao pa kaya na ipinanganak na masama at makasalanan, at uhaw sa paggawa ng masama? [17] “Job, pakinggan mo ako. Sasabihin ko sa iyo at ipapaliwanag ang mga naranasan ko. [18] May masasabi rin tungkol dito ang mga marurunong na tao na natuto sa kanilang mga ninuno. [19] Sila lang ang nagmamay-ari ng kanilang lupain, at walang dayuhang sumakop sa kanila. [20] “Ang taong masama ay maghihirap habang buhay. [21] Palagi siyang kinakabahan kahit na walang panganib, dahil iniisip niya na baka salakayin siya ng mga tulisan. [22] Takot din siyang pumunta sa dilim dahil baka may pumatay sa kanya. [23] Kung saan-saan siya naghahanap ng pagkain. Alam niyang malapit nang dumating ang kapahamakan. [24] Kaya labis ang kanyang pagkatakot, katulad ng hari na naghahanda sa pagsalakay sa kanyang mga kaaway. [25] Nangyayari ito sa kanya dahil nagrerebelde at sumusuway siya sa Makapangyarihang Dios. [26] Para siyang nakahawak sa matibay na kalasag at handang kalabanin ang Dios. [27] Kahit mataba at mayaman siya ngayon, [28] titira siya sa mga gibang bayan, sa mga bahay na walang nakatira at malapit nang gumuho. [29] Hindi na dadami ang kanyang kayamanan, at ang mga natitira niyang yaman at ari-arian ay hindi na magtatagal. [30] Hindi siya makakatakas sa kapahamakan. Magiging tulad siya ng puno na ang mga sangaʼy masusunog. Lahat ng ari-arian niya ay mawawala sa isang ihip lamang ng Dios. [31] Huwag sana niyang dayain ang sarili niya sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga bagay na walang kabuluhan, dahil wala siyang makukuha sa mga iyon. [32] Maagang darating sa kanya ang kanyang parusa at hindi na siya uunlad pa. [33] At magiging tulad siya ng ubas na nalalagas ang mga hilaw na bunga o katulad ng olibo na nalalagas ang mga bulaklak. [34] Sapagkat mamamatay ng walang lahi ang mga taong walang takot sa Dios. At ang mga bahay na itinayo nila mula sa mga suhol ay masusunog. [35] Ang lagi nilang iniisip ay ang manggulo, gumawa ng masama, at mandaya.”
