Job 14:1-22 ASD

[1] “Ang buhay ng tao ay maikli lamang at puno ng kahirapan. [2] Ang katulad nito ay isang bulaklak, namumukadkad pero agad nalalanta. Katulad din ito ng aninong biglang nawawala. [3] Kaya Panginoon, bakit kailangan nʼyo pang bantayan nang ganito ang tao? Gusto nʼyo pa ba siyang hatulan sa inyong hukuman? [4] May tao bang nabubuhay na lubusang matuwid? Wala! Sapagkat ang lahat ay ipinanganak na makasalanan. [5] Sa simula paʼy itinakda nʼyo na kung gaano kahaba ang itatagal ng buhay ng isang tao. At hindi siya lalampas sa itinakda nʼyong oras sa kanya. [6] Kaya hayaan nʼyo na lamang siya para makapagpahinga naman siya katulad ng isang manggagawa pagkatapos magtrabaho. [7] “Kapag pinutol ang isang puno, may pag-asa pa itong mabuhay at tumubong muli. [8] Kahit na matanda na ang ugat nito at patay na ang tuod, [9] tutubo itong muli na parang bagong tanim kapag nadiligan. [10] Pero kapag ang taoʼy namatay, mawawala na ang lakas niya. Pagkalagot ng hininga niya, iyon na ang wakas niya. [11] Kung papaanong bumababa ang tubig sa dagat at natutuyo ang mga ilog, [12] gayon din naman, ang taoʼy namamatay at hindi na makakabangon pa o magigising sa kanyang pagkakatulog hanggang sa maglaho ang langit. [13] “Panginoon, itago nʼyo na lamang po sana ako sa lugar ng mga patay hanggang sa mawala ang galit nʼyo sa akin, at saka nʼyo ako alalahanin sa inyong itinakdang panahon. [14] Kung mamatay ang tao, mabubuhay pa kaya ito? Kung ganoon, titiisin ko ang lahat ng paghihirap na ito hanggang sa dumating ang oras na matapos ito. [15] At sa oras na tawagin nʼyo ako, Panginoon, sasagot ako, at kasasabikan nʼyo ako na inyong nilikha. [16] Sa mga araw na iyon, babantayan nʼyo pa rin ang aking mga ginagawa, pero hindi nʼyo na aalalahanin pa ang aking mga kasalanan. [17] Parang ipinasok nʼyo ito sa bag at tinakpan para hindi nʼyo na makita. [18] “Pero kung papaanong gumuguho ang mga bundok at nahuhulog ang mga bato mula sa kanilang kinalalagyan, [19] at kung paanong nagiging manipis ang bato sa patuloy na pag-agos ng tubig, at gumuguho ang lupa dahil sa malakas na ulan, ganyan nʼyo rin sinisira ang pag-asa ng tao. [20] Nilulupig nʼyo siyang lagi at namamatay siya, at binabago nʼyo ang mukha niya kapag patay na siya. [21] Hindi na niya malalaman kung ang mga anak niyaʼy nagtamo ng karangalan o kahihiyan. [22] Ang tanging madarama na lang niya ay ang sarili niyang paghihirap at kalungkutan.”

About this translation

Ang Salita ng Dios cover
Ang Salita ng Dios $5.99
Life Bible app icon
Get the Life Bible app Read offline, sync highlights and notes, and study with your library on any device.