[1] “Kinasusuklaman ko ang buhay ko, kaya dadaing ako hanggaʼt gusto ko. Sasabihin ko ang aking sama ng loob. [2] Ito ang sasabihin ko sa Dios: ‘Huwag nʼyo akong hatulan na masama ako. Sabihin nʼyo sa akin kung ano ang kasalanan ko sa inyo. [3] Natutuwa ba kayo na pinahihirapan nʼyo ako? Bakit nʼyo itinatakwil ang inyong nilikha, at sinasang-ayunan naman ang binabalak ng masama? [4] Ang paningin nʼyo baʼy tulad ng paningin ng tao? [5] Ang buhay nʼyo baʼy kasing-ikli ng buhay ng tao? [6] Bakit pilit nʼyo akong hinahanapan ng kasalanan? [7] Alam nʼyong wala akong kasalanan, pero sino ang makapagtatanggol sa akin mula sa inyong kamay? [8] “‘Kayo ang gumawa at humubog sa akin, at ngayon kayo rin ang sisira sa akin. [9] Alalahanin ninyong akoʼy hinubog nʼyo mula sa lupa at ngayon baʼy ibabalik nʼyo na ako sa lupa? [10] Hindi baʼt kayo ang humubog sa akin mula sa sinapupunan ng aking ina na parang keso na hinubog mula sa gatas? [11] Binuo nʼyo ang aking mga buto at litid, at saka binalutan ng laman at balat. [12] Pagkatapos, binigyan nʼyo ako ng buhay, pinakitaan ng kabutihan at iningatan. [13] Pero nalaman ko na ang tunay ninyong plano sa akin [14] ay ang bantayan ako kung magkakasala ako at kapag nangyari iyon, hindi nʼyo ako patatawarin. [15] Nagkasala man ako o hindi, pareho lang naman na nakakaawa ako, dahil sa labis na kahihiyan at paghihirap na dinaranas ko. [16] Pinagsisikapan kong bumangon, pero para kayong leon na nakaabang sa akin. Ginagamit nʼyo ang inyong kapangyarihan laban sa akin. [17] Patuloy nʼyo akong isinasakdal at lalo kayong nagagalit sa akin. Walang tigil nʼyo akong nilulusob. [18] “‘Bakit niloob nʼyo pa na isilang ako? Sanaʼy namatay na lang ako at wala nang nakakita sa akin. [19] Hindi na lang sana ako nilikha. Namatay na lang sana ako bago isinilang at itinuloy sa libingan. [20] Maikling panahon na lang ang natitira sa akin, kaya hayaan nʼyo na lang ako para kahit saglit man lang ay sumaya naman ako, [21] bago ako pumunta sa lugar na malungkot at madilim, at hindi na ako makakabalik pa rito. [22] Napakadilim sa lugar na iyon; palaging gabi at walang liwanag, at naghahari doon ang kaguluhan.’”