[1] Sa Dios lang ako may kapahingahan; ang kaligtasan koʼy nagmumula sa kanya. [2] Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan. Siya ang aking tanggulan, kaya ligtas ako sa kapahamakan. [3] Kayong mga kaaway ko, hanggang kailan kayo sasalakay upang akoʼy patayin? Tulad koʼy pader na malapit nang magiba at bakod na malapit nang matumba. [4] Gusto lamang ninyong maalis ako sa aking mataas na katungkulan. Tuwang-tuwa kayo sa pagsisinungaling. Kunwariʼy pinupuri ninyo ako ngunit sa puso ninyoʼy isinusumpa ako. [5] Sa Dios ko lang matatamo ang kapahingahan dahil binibigyan niya ako ng pag-asa. [6] Siya lang ang aking batong kanlungan at kaligtasan. Siya ang aking tanggulan kaya ligtas ako sa kapahamakan. [7] Nasa Dios ang aking kaligtasan at karangalan. Siya ang matibay kong batong kanlungan. Siya ang nag-iingat sa akin. [8] Kayong mga mamamayan ng Dios, magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng oras! Sabihin sa kanya ang lahat ng inyong suliranin, dahil siya ang nag-iingat sa atin. [9] Ang tao, dakila man o mangmang, ay hindi mapagkakatiwalaan. Pareho lang silang walang kabuluhan. Magaan pa sila kaysa sa hangin kapag tinimbang. [10] Huwag kayong umasa sa perang nakuha sa pangingikil at pagnanakaw. Dumami man ang inyong kayamanan, huwag ninyo itong mahalin. [11] Hindi lang isang beses kong narinig na sinabi ng Dios na nasa kanya ang kapangyarihan [12] at tapat ang kanyang pag-ibig. Tiyak na gagantimpalaan ng Panginoon ang tao ayon sa kanyang mga ginawa.