[1] Kayong mga pinuno, matuwid ba ang paghatol ninyo sa mga tao? [2] Hindi! Dahil paggawa ng masama ang laging iniisip ninyo at namiminsala kayo sa iba saanman kayo naroroon. [3] Ang masasama ay lumalayo sa Dios at mula nang isilang ay nagsisinungaling na. [4] Para silang mga ahas na makamandag. Parang kobrang hindi nakikinig sa tinig ng mahuhusay na tagapagpaamo niya. [6] O Panginoong Dios, sirain nʼyo ang kanilang kakayahan sa pamiminsala na parang binabali nʼyo ang kanilang mga ngipin na parang pangil ng mga leon! [7] Mawala sana silang tulad ng tubig na natutuyo at gawin mo ring walang silbi ang kanilang mga armas. [8] Maging tulad sana sila ng kuhol na parang natutunaw habang gumagapang, o ng sanggol na patay nang ipinanganak, na hindi pa nakakita ng liwanag. [9] Mabilis silang tatangayin ng Dios, maging ang mga nabubuhay pa, mabilis pa sa pag-init ng palayok na inaapuyan ng malakas. [10] Magagalak ang mga matuwid kapag nakita na nilang pinaghigantihan ng Dios ang masasama, at dumanak na ang kanilang dugo. [11] At sasabihin ng mga tao, “Tunay ngang may gantimpala ang matutuwid at mayroong Dios na humahatol sa mga tao sa mundo.”