[1] O Dios, maawa kayo sa akin dahil sinasalakay ako ng aking mga kaaway. Palagi nila akong pinahihirapan. [2] Kinukutya nila ako at laging sinasalakay. Kay dami nilang kumakalaban sa akin, O Kataas-taasang Dios. [3] Kapag akoʼy natatakot, magtitiwala ako sa inyo. [4] O Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong pangako. Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo. Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala! [5] Binabaluktot lagi ng aking mga kaaway ang mga sinasabi ko. Lagi silang nagpaplano na saktan ako. [6] Nagsasama-sama sila at nagsisipagtago, binabantayan nila ang lahat ng kilos ko at naghihintay ng pagkakataon upang patayin ako. [7] Huwag nʼyo silang hayaang matakasan ang parusa ng kanilang kasamaan. Lipulin nʼyo sila sa inyong matinding galit. [8] Nalalaman nʼyo ang aking kalungkutan at napapansin nʼyo ang aking mga pag-iyak. Hindi baʼt inilista nʼyo ito sa inyong aklat? [9] Kapag tumawag ako sa inyo, O Dios, magsisitakas ang aking mga kaaway. Alam ko ito dahil ikaw ay aking kakampi. [10] Panginoong Dios, pinupuri ko kayo dahil sa inyong mga salita at pangako. [11] Hindi ako matatakot dahil nagtitiwala ako sa inyo. Ano bang magagawa ng isang hamak na tao sa akin? Wala! [12] Tutuparin ko, O Dios, ang mga pangako ko sa inyo. Maghahandog ako ng alay ng pasasalamat sa inyo. [13] Dahil iniligtas nʼyo ako sa kamatayan at hindi nʼyo ako pinabayaang madapa. Para mamuhay akong kasama kayo, O Dios, sa inyong liwanag na nagbibigay-buhay.