[1] Ikaw, taong mapagmataas, bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo? Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo? [2] Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba, kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila, at lagi kang nagsisinungaling. [3] Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan, at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan. [4] Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita. [5] Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan. Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay; bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay. [6] Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing, [7] “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan. Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan, at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.” [8] Ngunit ako ay tulad ng punong olibo na yumayabong sa loob ng inyong templo. Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman. [9] Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo. At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.