[1] Sinabi ko sa aking sarili, “Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan. Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.” [2] Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti, ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban. [3] Akoʼy tunay na nabahala, at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan, kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko, [4] “Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw, na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang. Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan. [5] Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin. Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo. Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan, [6] o kayaʼy parang anino na nawawala. Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan. Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay, hindi na niya alam kung sino ang makikinabang. [7] At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko? Kayo lang ang tanging pag-asa ko. [8] Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan, at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal. [9] Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig, dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito. [10] Huwag nʼyo na akong parusahan. Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan. [11] Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala. Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan. Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang. [12] “Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko. Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo. Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak. Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang, gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan. [13] Huwag na kayong magalit sa akin, upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”