[1] Mapalad ang isang tao na ang mga pagsuway at mga kasalanan ay pinatawad at kinalimutan na ng Panginoon. [2] Mapalad ang tao na ang kasalanan ay hindi ibinibintang sa kanya ng Panginoon, at walang pandaraya sa kanyang puso. [3] Noong hindi ko pa ipinagtatapat ang aking mga kasalanan, buong araw akoʼy nanlulumo at nanghihina ang aking katawan. [4] Araw-gabi, hirap na hirap ako dahil sa tindi ng inyong pagdidisiplina sa akin. Nawalan na ako ng lakas, tulad ng natuyong tubig sa panahon ng tag-araw. [5] Ngunit sa wakas, ipinagtapat ko ang aking mga kasalanan sa inyo; hindi ko na ito itinago pa. Sinabi ko nga sa sarili ko, “Ipagtatapat ko na ang aking mga kasalanan sa Panginoon.” At pinatawad nʼyo ako. [6] Kaya manalangin sana ang lahat ng matapat sa inyo, habang may panahon pa. Kung dumating man ang kapighatian na parang baha, hindi sila mapapahamak. [7] Kayo ang aking kublihan; iniingatan nʼyo ako sa oras ng kaguluhan, at pinalilibutan nʼyo ako ng mga awit ng kaligtasan. [8] Sinabi ng Panginoon sa akin, “Ituturo ko sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Papayuhan kita habang binabantayan. [9] Huwag kang tumulad sa kabayo o mola na walang pang-unawa, na kailangan pang rendahan upang mapasunod.” [10] Maraming hirap ang mararanasan ng taong masama, ngunit mamahalin ng Panginoon ang sa kanya ay nagtitiwala. [11] Kayong mga matuwid, magalak kayo at magsaya sa Panginoon. Kayong mga namumuhay ng tama, sumigaw kayo sa galak!