[1] Purihin ang Panginoon! Napakabuting umawit ng pagpupuri sa ating Dios. Napakabuti at nararapat lang na siya ay purihin. [2] Itinatayong muli ng Panginoon ang Jerusalem, at muli niyang tinitipon ang mga nabihag na Israelita. [3] Pinagagaling niya ang mga pusong nabigo, at ginagamot ang kanilang mga sugat. [4] Ang bilang ng mga bituin ay kanyang nalalaman at ang bawat isa ay binigyan niya ng pangalan. [5] Makapangyarihan ang ating Panginoon. Ang kanyang karunungan ay walang hangganan. [6] Tinutulungan ng Panginoon ang mga inaapi, ngunit nililipol niya nang lubos ang masasama. [7] Umawit kayo ng pasasalamat sa Panginoon. Tumugtog kayo ng alpa para sa ating Dios. [8] Pinupuno niya ng mga ulap ang kalawakan, at pinauulanan niya ang mundo, at pinatutubo ang mga damo sa kabundukan. [9] Binibigyan niya ng pagkain ang mga hayop at ang mga inakay na uwak kapag dumadaing ang mga ito. [10] Hindi siya nalulugod sa lakas ng mga kabayo o sa kagitingan ng mga kawal. [11] Ang Panginoon ay nalulugod sa mga may takot sa kanya at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig. [12] Purihin ninyo ang Panginoon na inyong Dios, kayong mga naninirahan sa Zion, ang bayan ng Jerusalem! [13] Dahil pinatitibay niya ang pintuan ng inyong bayan, at kayoʼy kanyang pinagpapala. [14] Binibigyan niya ng kapayapaan ang inyong lugar, at binubusog niya kayo ng pinakamabuting trigo. [15] Inuutusan niya ang mundo, at agad naman itong sumusunod. [16] Inilalatag niya sa lupa ang nyebe na parang mga puting kumot, at ikinakalat na parang abo. [17] Nagpapadala siya ng ulan na yelo na parang maliliit na bato. Kahit sino ay walang makatagal sa lamig nito. [18] Sa kanyang utos, ang yelo ay natutunaw. Pinaiihip niya ang hangin, at ang yelo ay nagiging tubig na umaagos. [19] Ipinahayag niya ang kanyang mga salita, mga tuntunin at mga utos sa mga taga-Israel na lahi ni Jacob. [20] Hindi niya ito ginawa sa ibang mga bansa; hindi nila alam ang kanyang mga utos. Purihin ang Panginoon!