Salmo 102:1-28 ASD
[1] Panginoon, pakinggan nʼyo ang aking dalangin. Ang paghingi ko sa inyo ng tulong ay inyong dinggin. [2] Sa oras ng aking paghihirap ay huwag sana kayong magtago sa akin. Pakinggan nʼyo ako at agad na sagutin. [3] Dahil ang buhay koʼy unti-unti nang naglalaho tulad ng usok; at ang katawan koʼy para nang sinusunog. [4] Akoʼy parang damong nalalanta na. Wala na akong ganang kumain [5] dahil sa labis na pagdaing. Parang butoʼt balat na lang ako. [6] Ang tulad koʼy mailap na ibon sa ilang, at kuwago sa mga lugar na walang tao. [7] Hindi ako makatulog; akoʼy parang ibon na nag-iisa sa bubungan. [8] Palagi akong iniinsulto ng aking mga kaaway. Ang mga kumukutya sa akin ay ginagamit ang aking pangalan sa pagsumpa. [9] Hindi ako kumakain; umuupo na lang ako sa abo at umiiyak hanggang sa ang luha koʼy humalo sa aking inumin, [10] dahil sa tindi ng inyong galit sa akin; dinampot nʼyo ako at itinapon. [11] Ang buhay koʼy nawawala na parang anino, at nalalantang gaya ng damo. [12] Ngunit kayo Panginoon ay naghahari magpakailanman; at hindi kayo makakalimutan sa lahat ng salinlahi. [13] Handa na kayong kahabagan ang Zion, dahil dumating na ang takdang panahon na ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanya. [14] Sapagkat tunay na minamahal at pinagmamalasakitan pa rin ng inyong mga lingkod ang Zion, kahit itoʼy gumuho na at nawasak. [15] At ang mga bansang hindi kumikilala sa Dios ay matatakot sa Panginoon. At ang lahat ng hari sa mundo ay igagalang ang inyong kapangyarihan. [16] Dahil muling itatayo ng Panginoon ang Zion; ipapakita niya ang kanyang kaluwalhatian doon. [17] Sasagutin niya ang panalangin ng mga naghihirap, at hindi niya tatanggihan ang kanilang mga dalangin. [18] Isusulat ito para sa susunod na salinlahi, upang sila rin ay magpuri sa Panginoon: [19] Mula sa kanyang banal na lugar sa langit, tinitingnan ng Panginoon ang lahat sa mundo, [20] upang pakinggan ang daing ng kanyang mga mamamayan na binihag, at palayain ang mga nakatakdang patayin. [21] At dahil dito mahahayag ang ginawa ng Panginoon sa Zion, at siyaʼy papurihan sa lungsod ng Jerusalem [22] kapag nagtipon na ang mga tao mula sa mga bansa, at mga kaharian upang sumamba sa Panginoon. [23] Pinahina ng Panginoon ang aking katawan; at ang buhay koʼy kanyang pinaikli. [24] Kaya sinabi ko, “O aking Dios na buhay magpakailanman, huwag nʼyo muna akong kunin sa kalagitnaan ng aking buhay. [25] Sa simula, kayo ang lumikha ng mundo at ng kalangitan. [26] Maglalaho ang mga ito, ngunit mananatili kayo magpakailanman. Maluluma itong lahat tulad ng damit. At gaya ng damit, itoʼy inyong papalitan. [27] Ngunit hindi kayo magbabago, at mananatili kayong buhay magpakailanman. [28] Ang mga lahi ng inyong mga lingkod ay mamumuhay ng ligtas sa mga panganib at iingatan nʼyo sila.”
