Kawikaan 21:1-31 ASD
[1] Ang isipan ng hari ay parang ilog na pinapadaloy ng Panginoon saan man niya naisin. [2] Inaakala ng tao na tama ang lahat ng kanyang ginagawa, ngunit ang Panginoon lang ang nakakaalam kung ano ang ating motibo. [3] Ang paggawa ng matuwid at makatarungan ay kalugod-lugod sa Panginoon kaysa sa paghahandog. [4] Ang mapagmataas na tingin at palalong isipan ay kasalanan. Ganyan ang ugali ng mga taong makasalanan. [5] Ang gawaing plinanong mabuti at pinagsikapan ay patungo sa kaunlaran, ngunit ang gawaing padalos-dalos ay maghahatid ng karalitaan. [6] Ang kayamanang nakuha sa pandaraya ay madaling mawala at maaaring humantong sa maagang kamatayan. [7] Ang karahasan ng masasama ang magpapahamak sa kanila, sapagkat ayaw nilang gawin ang tama. [8] Hindi matuwid ang gawain ng taong may kasalanan, ngunit matuwid ang gawain ng taong walang kasalanan. [9] Mas mabuti pang tumirang mag-isa sa bubungan ng bahay kaysa sa loob ng bahay na ang kasama ay asawang palaaway. [10] Ang masasama ay laging gustong gumawa ng masama at sa kanilang kapwa ay wala silang awa. [11] Kapag ang manunuya ay pinarusahan mo, ang mga mangmang ay matututo. Kapag ang marunong naman ang tinuruan mo, lalo pa siyang magiging matalino. [12] Alam ng matuwid na Dios kung ano ang ginagawa ng sambahayan ng masasama, at parurusahan niya sila. [13] Ang hindi pumansin sa daing ng mahirap, kapag siya naman ang dumaing ay walang lilingap. [14] Kapag ang kapwa mo ay may galit sa iyo, mawawala iyon sa palihim na regalo. [15] Kapag katarungan ang umiiral, ang mga matuwid ay natutuwa, ngunit natatakot ang masasama. [16] Ang taong lumilihis sa karunungan ay hahantong sa kamatayan. [17] Ang taong maluho at puro pagdiriwang ay hindi yayaman kundi lalo pang maghihirap. [18] Pinarurusahan ang masasama at makasalanan upang iligtas ang taong matuwid. [19] Mas mabuti pang manirahan sa disyerto kaysa manirahan sa bahay na kasama ang asawang magagalitin at palaaway. [20] Ang taong marunong ay pinaghahandaan ang kanyang kinabukasan, ngunit ang mangmang, winawaldas ang lahat hanggang sa maubusan. [21] Ang taong namumuhay sa katuwiran at kabutihan ay hahaba ang buhay, magtatagumpay at pararangalan. [22] Mapapasuko ng matalinong pinuno ang bayan na maraming sundalo, at kaya niyang gibain ang mga pader na kanilang inaasahang tanggulan. [23] Ang taong nag-iingat sa kanyang mga sinasabi ay nakakaiwas sa gulo. [24] Ang taong palalo at mayabang ay makikilala mo dahil nangungutya siya at sukdulan ang kayabangan. [25] Kung marami kang ninanais ngunit tamad kang magtrabaho, iyon ang sisira sa iyo. [26] Ang taong tamad ay laging naghahangad na makatanggap, ngunit ang taong matuwid ay nagbibigay nang walang alinlangan. [27] Kinasusuklaman ng Panginoon ang handog ng taong masama, lalo na kung ihahandog niya ito ng may layuning masama. [28] Patitigilin sa pagsasalita ang saksing sinungaling, ngunit ang saksing nagsasabi ng katotohanan ay pakikinggan. [29] Ang taong masama ay hindi pinag-iisipan ang kanyang ginagawa, ngunit ang taong matuwid ay pinag-iisipan muna nang mabuti ang kanyang ginagawa. [30] Walang karunungan, pang-unawa o payo ang makakapantay sa Panginoon. [31] Kahit nakahanda na ang mga kabayo para sa labanan, ang Panginoon pa rin ang nagbibigay ng katagumpayan.
