Kawikaan 10:1-32 ASD
[1] Narito ang mga kawikaan ni Solomon: Ang anak na marunong ay ligaya ng magulang, ngunit ang anak na hangal ay nagbibigay ng kalungkutan. [2] Ang kayamanang nakuha sa masamang paraan ay hindi makapagbibigay ng anumang kabutihan, ngunit ang matuwid na pamumuhay ay makapagliligtas sa iyo sa kamatayan. [3] Hindi hinahayaan ng Panginoon na magutom ang mga matuwid, ngunit ipinagkakait naman niya ang hangad ng mga masama. [4] Nagpapahirap ang katamaran, ngunit ang kasipagan ay nagpapayaman. [5] Ang nag-iimbak ng pagkain kapag anihan ay anak na marunong, ngunit ang anak na laging tulog kapag anihan ay kahiya-hiya. [6] Ang taong matuwid ay pinagpapala; ang bibig ng masamang tao ay nakakapinsala. [7] Ang alaala ng taong matuwid ay mananatili magpakailanman, ngunit ang masamang tao ay makakalimutan. [8] Sumusunod sa mga utos ang taong marunong, ngunit ang nagsasalita ng kamangmangan ay mawawasak. [9] May kapayapaan ang taong namumuhay nang matuwid, ngunit ang masama ang pamumuhay ay malalantad. [10] Ang taong mandaraya ay gulo ang nililikha at ang taong nagsasalita ng kamangmangan ay mapapahamak. [11] Ang salita ng taong matuwid ay makatutulong sa buhay ng iba, ngunit ang mga salita ng taong masama ay makapipinsala. [12] Ang galit ay nagpapasimula ng kaguluhan, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatawad ng lahat ng kasalanan. [13] Nagsasalita ng karunungan ang taong may pang-unawa, ngunit ang walang pang-unawa ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan. [14] Nagdadagdag ng kaalaman ang taong may karunungan, ngunit ang mga hangal ay nagsasalita tungo sa kanyang kapahamakan. [15] Seguridad ng mayaman ang kanyang kayamanan, ngunit kapahamakan naman ng mahirap ang kanyang kahirapan. [16] Ang gantimpala ng matuwid ay maganda at mahabang buhay, ngunit ang gantimpala ng masama ay kaparusahan. [17] Ang taong nakikinig sa pagtutuwid sa kanyang pag-uugali ay mapapabuti at hahaba ang buhay, ngunit ang taong hindi nakikinig ay maliligaw ng landas. [18] Ang nagkikimkim ng galit ay sinungaling, at ang naninira sa kanyang kapwa ay hangal. [19] Ang taong masalita ay madaling magkasala. Ang tao namang marunong ay pinipigilan ang kanyang dila. [20] Ang salita ng matuwid ay mahalaga tulad ng pilak, ngunit ang isip ng masama ay walang kabuluhan. [21] Sa salita ng matuwid marami ang nakikinabang, ngunit ang mga hangal ay mamamatay dahil walang pang-unawa. [22] Ang pagpapala ng Panginoon ay nagpapayaman at hindi niya ito dinadagdagan ng anumang kalungkutan. [23] Ang kaligayahan ng hangal ay ang paggawa ng kasamaan, ngunit ang kaligayahan nang nakakaunawa ay ang mamuhay nang may karunungan. [24] Ang kinatatakutan ng taong masama ay mangyayari sa kanya, ang hinahangad naman ng taong matuwid ay makakamit niya. [25] Kapag dumating ang pagsubok sa buhay na parang bagyo, maglalaho ang taong masama, ngunit mananatiling matatag ang taong matuwid. [26] Ang tamad na kinukunsumi ang kanyang amo ay gaya ng suka na nakakangilo at ng usok na nakakaluha. [27] Ang may paggalang sa Panginoon ay hahaba ang buhay, ngunit ang taong masama ay iigsi ang buhay. [28] Ang pag-asa ng matuwid ay magbibigay ng kaligayahan, ngunit ang pag-asa ng masama ay walang katuparan. [29] Ang pagsunod ng matuwid sa pamamaraan ng Panginoon ay mag-iingat sa kanya, ngunit ang mga suwail dito ay mapapahamak. [30] Ang matuwid ay hindi paaalisin sa kanyang lupain, ngunit ang masama ay paaalisin. [31] Ang bibig ng matuwid ay puno ng karunungan, ngunit ang dila ng sinungaling ay puputulin. [32] Alam ng taong matuwid ang angkop at tamang sabihin, ngunit ang alam lang sabihin ng taong masama ay puro kasamaan.
