Job 41:1-34 ASD
[1] “Job, mabibingwit mo kaya ang dragon na Leviatan? Matatalian mo kaya ang nguso niya ng lubid? [2] Matatalian mo ba ng lubid ang ilong niya o mailalagay mo kaya ang kawil sa kanyang panga? [3] Kapag nagawa mo iyon, makikiusap kaya siyang lagi sa iyo na pakawalan mo siya, o di kayaʼy magmakaawa siya sa iyo? [4] Makikipagkasundo kaya siya sa iyo na magpapaalipin habang buhay? [5] Magagawa mo kaya siyang parang alagang ibon o maibibigay mo ba siya sa iyong mga anak na babae para kanilang laruin? [6] May negosyante kayang bibili sa kanya at hihiwa-hiwain siya para ipagbili? [7] Tatalaban kaya ng matulis na sibat ang kanyang ulo o balat? [8] Kapag hinawakan mo siya, maaalala mo kung gaano ito kahirap hulihin at masasabi mong hinding-hindi ka na uulit. [9] Walang saysay ang mga pagsisikap na hulihin siya, dahil makita mo pa lang siyaʼy maduduwag ka na. [10] Kung sa kanya ngaʼy walang mangangahas gumambala, sino pa kayang mangangahas na lumaban sa akin? [11] Sino ang makapagsasabing may utang na loob ako sa kanya? Ang lahat dito sa mundo ay akin. [12] “Sasabihin ko pa sa iyo ang tungkol sa katawan ng Leviatan at kung gaano siya kalakas at kamakapangyarihan. [13] Sinong makakatuklap ng kanyang balat o makakatusok nito? [14] Sino ang makakapagpabuka ng kanyang bunganga? Ang mga ngipin niyaʼy nakakatakot. [15] Ang likod niyaʼy may makakapal na kaliskis na parang panangga na nakasalansan. [16] Sobrang dikit-dikit na ito na kahit ang hangin ay hindi makakalusot at walang makakatuklap nito. [18] Kapag sumisinga siya, may lumalabas na parang kidlat at ang kanyang mga mata ay mapula na parang bukang-liwayway. [19] Bumubuga siya ng apoy, [20] at umuusok ang ilong na ang usok ay parang nagmumula sa kumukulong palayok na may nagliliyab na panggatong. [21] Ang hininga niyaʼy makapagpapabaga ng uling dahil sa apoy na lumalabas sa kanyang bunganga. [22] Nasa leeg ang kanyang lakas, at ang makakita sa kanya ay kinikilabutan. [23] Kahit ang kanyang mga laman ay siksik at matitigas. [24] Matigas din ang puso niya, kasintigas ng gilingang bato. [25] Kapag siyaʼy tumayo, takot na takot pati ang mga makapangyarihang tao. [26] Walang espada, sibat, pana, o palasong makakapanakit sa kanya. [27] Para sa kanya ang bakal ay kasinlambot lang ng dayami at ang tanso ay para lang bulok na kahoy. [28] Hindi niya iniilagan ang mga pana. Ang mga batong tumatama sa kanyaʼy nagiging parang mga ipa lang. [29] Ang mga kahoy na ipinapalo ay parang mga dayami lang sa kanya. At pinagtatawanan lang niya ang mga humahagibis na sibat na isinisibat sa kanya. [30] Ang tiyan niyaʼy may mga kaliskis na matalim, na parang mga basag na bote. Kaya kapag gumagapang siya sa putik, nag-iiwan siya ng mga bakas. [31] Kinakalawkaw niya ang dagat hanggang bumula na parang kumukulong tubig sa palayok o kumukulong langis sa kaldero. [32] Ang tubig na kanyang dinadaanan ay bumubula, parang puting buhok kung tingnan. [33] Wala siyang katulad dito sa mundo. Isa siyang nilalang na walang kinatatakutan. [34] Minamaliit niya ang lahat ng mayayabang na hayop. Siya ang hari ng lahat ng mababangis na hayop sa gubat.”
