[1] “Kumakabog ang dibdib ko dahil sa bagyo. [2] Pakinggan ninyo ang dumadagundong na tinig ng Dios na parang kulog. [3] Pinakikidlat niya ang buong kalangitan at pinaaabot ito hanggang sa dulo ng mundo. [4] Pagkatapos ay maririnig ang dagundong ng kanyang tinig na parang isang kulog. Hindi niya ito pinipigilan. [5] Kagila-gilalas ang dumadagundong na tinig ng Dios. Gumagawa siya ng mga kahanga-hangang bagay, mga bagay na hindi natin kayang unawain. [6] Inuutusan niya ang yelo na pumatak sa lupa, ganoon din ang ulan na bumuhos nang malakas, [7] para ang taoʼy makapagpahinga sa kanilang mga ginagawa at makapagbulay-bulay sa mga ginawa ng Dios. [8] Nagtatago ang mga hayop sa kanilang mga taguan at nananatili roon kapag may bagyo. [9] Dumadating ang bagyo at ang hanging malamig mula sa kanilang taguan. [10] Sa pamamagitan ng hininga ng Dios nabubuo ang yelo, at nagiging yelo ang malalawak na bahagi ng tubig. [11] Pinupuno niya ng tubig ang mga ulap at pinakikidlat ito. [12] Sa kanyang utos, nagpapaikot-ikot sa buong mundo ang mga ulap. [13] Ginagamit niya ang mga ito upang ituwid ang tao, o ipadama ang kanyang pag-ibig. [14] “Job, pakinggan mo ito, at pagbulay-bulayan ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Dios. [15] Alam mo ba kung paano inuutusan ng Dios ang ulap, at kung paano siya nagpapakidlat mula rito? [16] Alam mo ba kung paano lumulutang ang mga ulap? Ang lahat ng itoʼy kahanga-hangang gawa ng Dios na ang dunong ay walang hangganan. [17] Ikaʼy pagpapawisan dahil sa mainit na hangin mula sa timog, [18] matutulungan mo ba ang Dios na ilatag ang kalangitan at patigasin na parang tansong salamin? [19] “Kung matalino ka, sabihin mo sa amin kung ano ang dapat naming sabihin sa Dios. Hindi namin alam kung paano kami mangangatwiran dahil kulang ang aming kaalaman. [20] Hindi ko gugustuhing makipagtalo sa Dios, dahil baka akoʼy kanyang ipahamak. [21] Walang sinumang makakatitig sa araw na nagliliwanag sa himpapawid, pagkatapos mahawi ng hangin ang mga ulap. [22] Mula sa hilaga, paparating ang Dios na nagniningning na parang ginto at ang kanyang liwanag ay kahanga-hanga. [23] Hindi natin lubos na maunawaan ang Makapangyarihang Dios na napakadakila. Lubos siyang makatarungan, matuwid at hindi nang-aapi, [24] kaya iginagalang siya ng mga tao. Hindi niya pinapansin ang mga taong nagsasabing sila ay marunong.”