[1] Ang mensaheng itoʼy tungkol sa Moab: Sa loob lang ng isang gabi ay nawasak ang lungsod ng Ar at Kir na sakop ng Moab. [2] Umahon ang mga taga-Dibon sa kanilang templo at sa kanilang mga sambahan sa matataas na lugar para umiyak. Iniiyakan ng mga taga-Moab ang Nebo at Medeba. Ang bawat isa sa kanilaʼy nagpakalbo at nagpaahit ng mga balbas upang ipakita ang kanilang kalungkutan. [3] Nakadamit sila ng sako habang lumalakad sa lansangan. Humahagulgol sila sa bubong ng kanilang mga bahay at sa mga plasa. [4] Umiiyak ang mga taga-Heshbon at ang mga taga-Eleale at naririnig ito hanggang sa Jahaz. Kaya ang mga sundalo ng Moab ay sumisigaw sa takot. [5] Nalungkot ako dahil sa nangyari sa Moab. Nagsitakas ang kanyang mga mamamayan papuntang Zoar hanggang sa Eglat Shelishiya. Nag-iiyakan sila habang umaahon papuntang Luhit. Ang iba sa kanila ay humahagulgol patungo sa Horonaim, dahil sa kanilang sinapit. [6] Natuyo ang mga sapa ng Nimrim at nalanta ang mga damo. At wala nang sariwang mga tanim, [7] kaya dinala nila sa kabila ng daluyan ng tubig ng Arabim ang mga ari-arian at kayamanang natipon nila. [8] Ang iyakan nila ay maririnig sa hangganan ng Moab, mula sa Eglaim hanggang sa Beer Elim. [9] Naging pula sa dugo ang tubig ng Dibon, pero higit pa riyan ang gagawin ko: Magpapadala ako ng mga leon na lalapa sa mga nagsisitakas sa Moab at sa mga naiwan doon.